For our Filipino project for the Finals, we were asked to write a journal about the experiences that we had during the said grading period...The following write-up is an excerpt from that journal.
I don't really know if my Professor was telling me the truth when she said that my write-up was "Palanca Awards for Literature" material, but I hope you guys like it.
OK...Here it goes...
Isang linggo na ang nakalipas magmula ng ma-busted ako…
Bukod sa aking pamilya, kamag-anak at mga kaibigan, nag-iisa ako sa buhay. Kakatwang isipan na sa gulang na 18 ay wala pa rin akong nagiging kasintahan. Ni isa. Kakatwa sapagkat nauunahan pa ‘ko ng mga taong mas bata pa sa’kin…
Hindi ko talaga alam kung bakit magpahanggang ngayon eh ‘di ako magkaroon ng isang kasintahan. Marahil siguro eh tama nga ‘yung mga taong nagsasabi sa’kin na bata pa ako at ‘di pa panahon para ako ay magkaroon ng isang ka-relasyon. Ang ‘di ko lang talaga matanggap eh kalimitan eh mas bata pa sa’kin ang nagsasabi nun.
Ako ang isang tao na takot sa anumang uri ng rejection. Isa na siguro ‘yun sa mga dahilan kung bakit ako nato-torpe. Mas gugustuhin ko pang ikubli ang mga tunay kong nararamdaman sa mga babaeng aking napupusuan kesa sa ipagtapat sa kanila ang aking tunay na nararamdaman at mawala sila sa’kin ng tuluyan…Oo, alam ko. Maraming beses nang nangyari sa’kin ‘yun.
Masarap ang may minamahal. At masarap ang pakiramdam kapag alam mong may nagmamahal sa’yo. Ngunit aanhin mo naman ang mga ‘yun kung alam mo rin naman na kabiguan at kalungkutan din naman ang kahihinatnan ng mga ‘yun?…
Kaya’t ‘eto ako ngayon, nagmamahal sa isang alabok…Isang alabok na hango sa hubog ng isang magandang dilag na binuo ko mula sa aking imahinasyon…Siya ang kasa-kasama ko sa tuwing ako’y nag-iisa’t nalulungkot. Siya ang pumapawi sa aking mga kalungkutan. Siya ang nagpupunas ng mga luha sa aking mga mata. Kapag wala akong makausap, siya ang aking nilalapitan. Sa pagkain, siya ang aking kasalo. Sa pag-aaral, siya ang aking katulong. Sa panahon ng kalituhan, siya ang nagsisilbi kong gabay. Sa pagtulog, siya ang aking katabi. Sa bawat tagumpay ko ay bahagi siya. At sa aking pananahimik, siya ang aking karamay… Ang alabok na ‘yun ang persona ng lahat ng hinahanap ko sa isang babae.
Kahibangan nga sigurong maituturing ang lahat ng aking mga nabanggit, ngunit totoo ang lahat ng ‘yun. Sa katunayan, kahibangan pa nga ang nagtulak sa’kin para lumikha ng ganun…Hindi naman siguro masamang mangarap ng babaeng iyong mamahalin, ‘di ba?
Ngunit batid ko naman na iba pa rin kung mayroon kang tunay na babae na minamahal. Kaya lang eh suntok sa buwan para sa isang katulad ko ang makahanap ng ganun sa hinaharap…
Dalangin ko ngayon na sana eh magkatotoo na ang aking pinakamamahal na alabok...
Ang pagsusumamo ko ay isang palamara sa karimlan, tiyak 'yun. Ngunit 'pag pinatagal ko pa 'to, tiyak na sasabog na ang dibdib ko. Sasabog na ang nagpupumiglas na damdamin ko na nagmula pa sa kaibuturan ng aking puso.
Kung bakit pa kasi napakahirap sa isang tulad ko na gawin ang mga bagay na 'to...